Paano nga ba ang isang buhay OFW?

Sa tingin ng karamihan, basta OFW maraming pera. Bilang isa rin akong OFW, masasabi kong

“Siguro nga marami, marami kumpara sa mga nagtatrabaho sa Pinas…”

Pero ang ‘di nila naiisip, eh kung magkano ba ang renta sa bahay sa abroad? Magkano ba ang mga pagkain dun? Pamasahe? Kuryente?

Maging pranka na tayo, ang sinusweldo ko sa abroad ay Php80,000 kada buwan. I-breakdown ko ang mga gastusin ko: converted na sa peso.

(Base sa Singapore average salary, single, walang binubuhay maliban sa magulang)

Salary: Php 80,000

Php 13,600– Renta sa Bahay

Php 2,520 – Pamasahe (bahay-opis) hiwalay pa kung may pupuntahang iba

Php 9,765 – Pagkain araw-araw

Php 2,450 – Kuryente

Php 1,750 – Telepono

Php 7,000 – Para sa mga ibang pangangailangan tulad ng sabon, shampoo, (di uso ang tingi tingi ng gamit dito)

Php 30,000 – Padala sa pamilya (depende sa dami ng pangangailangan nila)

Php 67,135 – Suma total

 

Natira na lamang pasa sa sarili ay

Php 12,865 – Eto na lang ang natira para sa sariling luho, o sabihin na nating napakabuti mong anak, yan ang ipon ng isang Pinoy OFW buwan buwan.

Araw-araw na trabaho dapat yan para hinde mabawasan yung buong sweldo, kada absent kasi dito, halos Php 3,000 ang nawawala. Kaya miski masama ang pakiram or simpleng wala sa mood mag-trabaho at tinatamad, halos wala kaming karapatan mag-absent.

 

Pero may mga para-paraan din naman para magkaron ng bayad ang iaabsent mo, pwede ka mag MC (Medical Check-up), sabihin mo lang may Dok na masama pakiramdam mo, bibigyan kna ng Medical Certificate para sa araw na iyon. Ang ibang kumpanya libre ang pagpapagamot, pero marami ang hinde, kaya kailangan mong magbayad ng Php 1,200 para sa check-up. TAMA!! Ganyan kamahal ang pagpapagamot dito. Kadalasan isosoli sayo ng kumpanya ay kalahi, maswerte ka na kung isoli nila ng buo.

 

Ika nga ng karamihan, “para-paraan lang yan…”

 

Sa totoo lang, ganyan ang buhay ko sa loob ng tatlong taon. Ni hinde ko man lang namalayan na tatlong taon na pala, araw-araw na ginawa ng Panginoon na ganyan ang buhay, kung mapapansin nyo, wala pa akong naipundar man lang. Wala pa yung mga hinuhulugang mga condo, lupa, kotse.

 

Pero sa kabila ng lahat, nagpapasalamat ako na kahit papaano, masaganang nabubuhay ang pamilya ko sa Pinas. Ang tanging kapalit lang ay, nasa malayo ako. Hinde ako kasali sa simpleng tawanan sa bahay, sa simpleng panunuod ng tv. Pero ok lang basta hinde kami nagugutom.